Ang Pagninilay ni SDS Manuel Caberte sa Pagtatapos ng Buwan ng Wika
Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa ika-apat na linggo nito, naging mas makabuluhan at pagninilayan ang lingguhang Flag Raising Ceremony at Monday Morning Sharing sa Division of Siargao. Sa halip na lumayag sa mga karaniwang talumpati, nag-iwan ng isang malalim at kapaki-pakinabang na mensahe si Schools Division Superintendent (SDS) Manuel O. Caberte. Ang kanyang mga salita ay nagsilbing panggising ng katotohanan na nag-uugnay sa tunay na diwa ng ating wika, kultura, at integridad bilang mga lingkod-bayan.
1. Ang Wikang Filipino at ang Hamon ng Sariling Identidad sa Siargao.
Ang Buwan ng Wika ay hindi lamang pagdiriwang ng pananalita, kundi pagpapahalaga sa ating sariling pagkakakilanlan at gawi. Sa gitna ng mabilis na pagbabago at pag-unlad ng teknolohiya, mabilis tayong naaakit sa kultura ng ibang bansa. Binigyang-diin ni SDS Caberte na marami tayong ginagayang gawi na hindi naman akma sa ating lokal na konteksto. Nawawala na ang mga batayang pag-uugali ng kabataan, tulad ng masayang pagsalubong at paggalang sa mga guro. Sa isang sikat na tourist destination tulad ng Siargao, kapansin-pansin ang pagkahumaling sa gawi ng mga banyaga kapalit ng sariling kultura. Nasaan na ang mga magulang at guro na dapat ay nangunguna sa pagtuturo ng magandang asal at pagmamahal sa sariling wika at gawi?
2. Tapat na Pamamahala: Inaasahan sa mga School Leaders.
Sa kanyang pagbabahagi sa Monday Morning Sharing, inihambing din ang gawi ng mga school leaders noon at ngayon. Ang pagiging pinuno sa edukasyon ay nangangailangan ng mapanuring kaisipan at tamang proseso. Sa halip na magpadala sa tsismis o usap-usapan, dapat magsaliksik at magberipika muna ng impormasyon bago gumawa ng desisyon. Dapat gampanan ng bawat isa ang kanilang tungkulin batay sa legal na mandates. Paalala rin sa mga PSDS na tiyaking sinusuri nang mabuti ang mga class schedules at learning modalities bago ito aprubahan.
3. Integridad sa Serbisyo Publiko
Isang matapang na usapin ang binuksan ukol sa katapatan sa trabaho, lalo na sa mga flexible work setups tulad ng Work From Home (WFH). Naitanong ni Caberte kung may tunay bang pagbabago o produktibidad na nangyayari, partikular kapag dumadami ang “palusot” upang mag-WFH kapag Biyernes. “May karapatan ba tayong manghusga sa mali ng iba kung tayo mismo sa ating sarili ay gumagawa ng hindi kaaya-aya?”
Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong linggo sa Division of Siargao, ang mensahe ni SDS Caberte ay nag-iiwan ng malalim na hamon: Ang tunay na pagmamahal sa bayan at wika ay hindi nagtatapos sa simpleng programa, kundi nakikita sa pagpapanatili ng ating magagandang asal, pagtupad sa tungkulin nang may integridad, at tapat na paglilingkod araw-araw.#
