Pormal na binuksan ng Schools Division of Siargao ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang: Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon sa pamamagitan ng isang masigla at makabuluhang Pambungad na Palatuntunan na ginanap ngayong Lunes, Agosto 10, 2026, sa harapan ng SDO Siargao Building.
Nilahukan ang naturang kaganapan ng mga opisyal at mga kawani ng buong dibisyon upang sama-samang simulan ang buwanang pagdiriwang na nagtataguyod sa wikang pambansa at sa pambansang pagkakakilanlan. Pinangunahan ni G. Randy Rudela, Education Program Supervisor (EPS) sa Filipino, ang buong palatuntunan bilang tagapagdaloy.
Nagsimula ang seremonya sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa ating pambansang kasaysayan sa pagbasa ng Kasaysayan ng Wikang Filipino na inilahad ni Dr. Girlie Bamba Sanico. Sinundan ito ng solemneng pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa pamumuno ni Dr. Regemie Alburo.
Upang muling pagtibayin ang panunumpa sa tapat na serbisyo-publiko at kalidad ng edukasyon, sabay-sabay ring binigkas ng mga dinaluhan ang Panunumpa ng Lingkod Bayan, inihayag ang DepEd Quality Policy Statement, at inawit ang Bagong Pilipinas Hymn.
Sa ikalawang bahagi ng programa, nagbahagi ng kani-kanilang mahahalagang ulat at direksyon ang mga pinuno ng iba’t ibang dibisyon para sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyo sa edukasyon sa isla. Nagbigay ng mga operational updates at direksyong pangkurikulum si Chief Dr. Gemna G. Pobe samantalang inihapag ni Chief Dr. Harem L. Taruc ang mga ulat ukol sa pamamahala at operasyon ng mga paaralan.
Sa pagpapatuloy ng MMS, binigyang-diin ni ASDS Dr. Roel T. Diamante ang kahalagahan ng aktibong paggamit at pagsasalita ng wikang Filipino sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan at pagtuturo, sapagkat ito ang pangunahing simbolo ng ating pambansang pagkakakilanlan at pagkakaisa.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni SDS Manuel Caberte ang bawat isa na isentro ang lahat ng pagsisikap sa kapakanan ng mga mag-aaral at tiyakin na ang bawat plano at polisiya ay nakatuon sa kanilang tunay na pagkatuto. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagrebyu sa mga umiiral na stratehiya, pagiging mapagmatiyag at sensitibo sa kapaligiran, at ang mabilis na pag-adjust o pag-angkop sa mga pagbabago kapag kinakailangan.
Bukod dito, nag-iwan din siya ng isang pagninilay para sa lahat ng kawani ukol sa dedikasyon sa trabaho: ang patuloy na pagtatanong sa sarili kung ang ipinapakitang serbisyo araw-araw sa DepEd ay sapat at katumbas ng sahod at tiwalang natatanggap mula sa taumbayan, kasabay ng panawagan na panatilihin ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo at tapat na paglilingkod.
Nagtapos ang pambungad na palatuntunan nang may bagong sigla at layunin ang buong dibisyon na ipagpatuloy ang pagtataguyod ng de-kalidad na edukasyon sa isla ng Siargao kasabay ng pagpapalalim ng pagmamahal sa wikang pambansa.
Upang lalo pang maging makulay at makabuluhan ang pambungad na palatuntunan, itinampok ang isang natatanging patimpalak sa Sayaw Interpretasyon gamit ang AI, kung saan masining na pinagsanib ang tradisyon at makabagong teknolohiya. Naging maayos at matagumpay ang pagtatapos ng programa sa pamamagitan ng pagbibigay-parangal sa mga piling kawaning nangibabaw sa kanilang pagsuot ng maipagmamalaking Filipiniana at Barong Tagalog.
